-- Advertisements --

Nagsagawa ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng disposal at pagsira sa mga nakumpiskang iligal at ipinagbabawal na mga paputok gaya ng Boga sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ngayong Bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31.

Ito ay bahagi ng pagsisikap na matiyak ang mas ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon.

Pinangunahan ni NCRPO Regional Director Anthony Aberin ang pagsira at disposal ng mga nakumpiskang iligal na paputok na nakumpiska mula sa iba’t ibang mga lugar sa Metro Manila.

Ayon sa NCRPO chief, nasa P1.4 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na paputok.

Ilan pa sa mga nakumpiskang mga paputok ng kapulisan ay ang kwitis, sinturon ni hudas, iligal na fountain.

Muli namang nagpaalala ang NCRPO sa publiko na gumamit ng alternatibong pampaingay sa halip na paputok upang maiwasan ang peligrong dulot ng mga ito at para sa ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.