Isinusulong ni Senate Committee on Labor and Employment Vice Chairperson Senator Raffy Tulfo ang pagpapatupad ng pantay na minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila at mga probinsya.
Sa ngayon, ₱695 kada araw ang sahod ng mga non-agriculture workers sa NCR. Malayo ito sa ibang rehiyon gaya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ₱411 lang, at Caraga na nasa ₱415 kada araw.
Sa pagdinig ng komite, iminungkahi ni Tulfo sa National Wages & Productivity Commission (NWPC), Department of Labor and Employment (DOLE), at mga labor experts na pag-aralan ang kanyang mungkahi dahil ang presyo ng mga bilihin gaya ng gasolina, pagkain, medisina at marami pang iba ay pareho namang tumataas dahil sa inflation.
Sa katunayan, sinabi ni Sen. Idol na mas mahal pa nga kung tutuusin ang presyo ng gasolina, na driving force ng ating ekonomiya, sa ibang probinsya.
Nangako naman si DOLE Sec. Bienvenido Laguesma na pag-aaralan nila ang mungkahi ni Sen. Idol at magsasagawa ng masusing konsultasyon sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa ilalim ng NWPC.