Kinumpirma ng Barangay Urdaneta sa Makati City na ang beauty queen na si Michelle Dee ay nagpa-blotter laban sa driver ng isang actress na si Rhian Ramos noong Enero 18, kung saan ayon sa blotter nanakit at nagnakaw umano ang driver.
Sa blotter ni Michelle sinaktan daw siya ng driver sa kanyang kanang braso na nag-iwan ng pasa at kalmot matapos umano ang insidente ng pagnanakaw sa loob ng kanyang condominium unit.
Kinumpirma din ng Barangay desk officer ang mga pasa umano sa braso ni Michelle.
Batay sa kwento ni Michelle, sinubukan tumakas ng driver matapos tumalon umano ito mula sa maid’s quarters ng kanyang 39th-floor condo na umakyat din sa gondola rope, dumaan sa ibang unit, at nakarating ng kalye bago nahuli at ibinalik.
Ngunit ayon sa driver na si Alyas Totoy, “Bigla akong hinawakan at binugbog sa loob… narinig ko na tatapusin nila ako kaya tumalon ako sa 39th floor.”
Nangyari ito sampung araw matapos ang nawawalang sensitibong larawan na nasa loob umano ng ampao.
Nauna rito, kamakalawa ay pumunta si alyas Totoy kasama si Volunteers Against Crime and Corruption o VACC President Arsenio “Boy” Evangelista sa National Bureau of Investigation para pormal na sampahan ng reklamo sina Michelle, Rhian, at beauty titlist ding si Samantha Panlilio dahil sa diumano’y illegal detention at torture.
Paliwanag ni NBI Spokesperson Atty. Palmer Mallari, kung sakaling may sapat ng ebidensya o pruweba laban sa mga inirereklamo, padadalhan ng subpoena sina Rhian, Michelle at Samantha.
Gayunpaman, itinanggi ng legal counsel ni Michelle na si Atty. Maggie Garduque ang alegasyon, at sinabi niyang nasa Iloilo si Michelle noong Enero 17 at nakarating lamang sa Makati bandang madaling araw ng Enero 18.
Binanggit din ni Garduque ang mga hindi pagkakatugma aniya sa sinasabing pinsala ng driver at sa ipinakitang katawan niya sa media.
Tungkol naman sa qualified theft complaint, ipinaliwanag ng abogado na ang dismissal nito ay procedural, at hindi dahil walang basehan ang reklamo.
“The basis of the dismissal is not because there is no basis for it but because it was recommended to be filed under regular preliminary investigation proceedings,” dagdag niya.
















