-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na sila’y hindi magbubukas ng isang imbestigasyon patungkol sa mga alegasyon kontra kay National Bureau of Investigation Director Jaime B. Santiago.

Bagama’t may mga isyung ibinabato sa naturang direktor ng kawanihan, hindi anila ito rason upang magtulak para simulan ang pag-iimbestiga.

Ayon kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, mahirap umanong paniwalaan ang mga kumakalat na akusasyon laban ay Retired Judge Jaime B. Santiago.

Paliwanag niya’y wala naman raw kasing matibay na ebidensyang makapagpapatunay patungkol sa alegasyong may bagman umano ang naturang direktor.

Dagdag pa ni Assistant Secretary Clavano, aksaya lamang raw ng oras para sa Department of Justice kung kanila pa itong papatulan.

Maaalalang nagbitiw mula sa puwesto si Retired Judge Jaime B. Santiago bilang direktor ng National Bureau of Investigation kamakailan.

Kanyang inihain ang ‘irrevocable resignation’ bunsod ng tangka umanong pagsira sa kanyang reputasyon.

Kaya’t ani pa Assistant Secretary Mico Clavano, ang paglulunsad ng imbestigasyon hinggil sa anumang alegasyon ay sisimulan lamang kung may lumitaw na matibay na ebidensya.

Samantala patungkol naman sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Department of Justice patungkol sa ‘missing sabungeros case’, ang testigo naman nitong si alyas ‘Toto’y o Julie Dondon Patidongan ay humarap sa korte ngayong araw.

Kung saan ipinagpatuloy ng Manila Regional Trial Court ang pagdinig sa kinakaharap ni Patidongan na kasong ‘kidnapping’ at ‘serious illegal detention’ kaugnay sa isyu ng pagkawala ng mga sabungero, ilang taon ang nakalilipas.

Magugunitang nabanggit ni Secretary Jesus Crispin Remulla na hihilingin ng kagawaran sa korte na ma-discharge mula sa kaso upang magsilbing ‘state witness’.