-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na ituturing pa rin bilang kaso ng kidnapping ang kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ito ay sa kabila ng pagbubunyag ni Alyas Totoy na pinatay at tuluyang itinapon sa Taal Lake ang mga labi ng mga nawawalang sabungro.

Giit ni Justice Undersecretary Raul Vasquez, hangga’t hindi nahahanap ang biktima o natatagpuan ang kanilang mga labi ay magpapatuloy itong ituturing bilang kaso ng kidnapping.

Sa kabila kasi ng testimoniya ni Alyas Totoy, wala pa rin aniyang mahanap na ebidensiya na magpapatunay na patay na ang mga sabungero kaya’t hindi pa rin maaaring ituring ang naturang kaso bilang murder o homicide.

Samantala, malapit na rin umanong makabuo ang DOJ ng isang airtight case kasunod ng mga serye ng isinagawang imbestigasyon.

Pagtitiyak ng DOJ official, ikinukunsidera ng ahensiya ang lahat ng lumabas na impormasyon mula pa sa mga naunang lumutang noong pumutok ang naturang isyu, ilang taon na ang nakakalipas.

Paliwanag ni Usec. Vasquez, ilan sa mga lumutang na testigo noon ay tuluyan ding nag-recant o binawi ang kanilang mga salaysay.

GayUnpaman, marami aniya sa mga testimoniya at ebidensiya na nalikom ng DOJ mula pa noong pumutok ang isyu ay pinapatotohanan na rin ng mga ebidensiyang kamakailan lamang lumabas, bagay na nagtatag sa case build-up na ginagawa ng ahensiya.