Inihayag ng Department of Justice na mayroong katibayan o maasahan ang mga ibinahaging impormasyon ng dalawang kapatid ni alyas Totoy, may tunay na pangalang Julie ‘Dondon’ Patidongan.
Kasunod ng paghahain ng mga kaanak ng nawawalang mga sabungero ng reklamo sa tanggapan ng kagawaran, ayon kay Secretary Jesus Crispin Remulla, reliable ang dalawang kapatid ni alyas Totoy.
Kanyang kinumpirma na si Elakim Patidongan ang isang bagong witness o testigo nilang hawak na siyang makatutulong sa isinasagawang pag-iimbestiga.
Maalala kasi na nitong nakaraan lamang ay kanyang ibinahagi na mayroon silang bagong testigo hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa Missing Sabungeros Case.
Bunsod nito’y ikinuwento ni Justice Secretary Remulla na buo ang testimonya ng testigong si Elakim Patidongan sapagkat kalakip nito ang matibay na ebidensya.
Aniya’y hindi lamang siya basta ‘witness’ kundi nasaksihan pa raw mismo nito ang pagpatay sa ilang mga sabungero na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Tiwala ang naturang kalihim na ang mga impormasyong ibinahagi ni Elakim ay siyang makapagpapatibay na may katotohahan ang naunang testimonya ni alyas Totoy, o Julie Dondon Patidongan.
Ayon pa sa mga iniliahad ni Secretary Remulla, 10 katao raw ang nasaksihan ng naturang testigo na pinatay sa kung saan naganap ang krimen.
Kaya’t aniya’y hindi umano maitatanggi na may bigat ang mga ikinuwento nito hinggil sa naturang pangyayari kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa kabila nito’y nahaharap ngayon ang gaming business tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang at kasama pang iba sa mga reklamong may kinalaman sa pagpatay.
Inihain kasi ang ‘murder’ at ‘serious illegal detention’ laban sa kanya ng mga kaanak ng nawawalang mga sabungero.
Ngunit paglilinaw ng Department of Justice na dadaan pa sa pagsisiyasat o evaluation ang mga reklamong inihain sa kanilang tanggapan.