Nananawagan si Agimat Partylist Rep. Bryan Revilla sa Senado na bigyang prayoridad ang pagpasa ng Bagong Balikbayan Act (HB 6643) na naaprubahan na sa Kamara sa third and final reading.
Sinabi ni Revilla, layunin ng panukala na mapabilis at maging mas komprehensibo ang tulong ng pamahalaan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuuwi sa bansa.
Ayon kay Revilla, nais ng panukala na matulungan ang mga OFW mula sa kanilang pagbalik sa Pilipinas hanggang sa muling pagbangon ng kanilang kabuhayan. Kabilang dito ang livelihood support, job placement, at iba pang programang makatutulong sa kanilang reintegrasyon sa tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng TESDA, DSWD, at iba pa.
Tinugunan din ni Revilla ang mga ulat na may ilang employer sa ibang bansa na umano’y humahawak ng pasaporte ng mga OFW na nais nang umuwi.
Aniya, pinalalakas ngayon ang mga Migrant Workers Offices (MWOs) sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga tauhan upang mas mabilis na maresolba ang ganitong mga problema.
Upang mapalapit ang komunikasyon sa mga OFW, hinikayat din ni Revilla ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa at ang kanilang mga pamilya na makipag-ugnayan hindi lamang sa 1348 hotline kundi maging sa Agimat Partylist Facebook page upang makakuha ng agarang tulong.
Iginiit pa ng mambabatas na hindi titigil ang Kongreso hangga’t hindi natitiyak ang kaligtasan ng bawat OFW.
Aniya, prayoridad ng Kamara at ng administrasyon na matulungan ang bawat “Bagong Bayani” na nangangailangan ng saklolo upang makauwi nang ligtas sa Pilipinas.










