Kampante si Justice Undersecretary Raul Vasquez na hindi magiging sagabal sa case build up na ginagawa ng Department of Justice ang paghahain ng negosyanteng si Atong Ang ng kaso laban kay Alyas Totoy.
Giit ni Vasquez, ang paghahain ng kaso laban kay Alyas Totoy ay isa lamang sa mga inaasahan ng ahensiya na legal development habang umuusad ang imbestigasyon at binubuo ang kaso.
Bahagi lamang aniya ito ng legal strategy ng sinumang isinasangkot sa isang krimen.
Ngayong araw (July 3) ay opisyal nang inihain ng kampo ng negosyante ang patong-patong na kaso laban kay Alyas Totoy tulad ng violence against or intimidation of persons, grave threats, grave coercion, slander, atbpa.
Ayon kay Usec. Vasquez, magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon na gagawin ng DOJ kung saan ikukunsidera ng ahensiya ang lahat ng ebidensiyang patuloy na lumulutang, kasama ang testimoniya ng mga nagpapakilalang may kaalaman sa mga nawawalang sabungero.
Tumanggi namang magbigay ng komento ang opisyal kung nasa kostudiya na ng DOJ si Alyas Totoy kasunod ng tuluyan nitong paglutang.
Hindi rin kinumpirma ng DOJ official kung nagsumite na si Alyas Totoy ng kaniyang affidavit sa naturang ahensiya.
Una nang nagpakilala si Alyas Totoy bilang farm manager at trusted aide ng negosyanteng si Ang. Ang naturang testigo rin ang nagbunyag sa umano’y pagkakatapon sa mga labi ng mga sabungero sa Taal Lake, ilang taon na ang nakakalipas.