(Update) CEBU CITY – Umaasa si Mandaue City Mayor Jonas Cortes na magsisilbing leksyon sa mga mall operators ang nangyaring panloloob sa mga jewelry shops sa loob ng J Center Mall noong weekend.

Ayon kay Cortes, nagbunsod ang nasabing insidente dahil sa pagtitipid umano ng mall management kung saan konti lang ang kanilang blue guards.

Kaya naman sinamantala aniya ng mga tulisan ang maluwag na seguridad sa loob ng mall.

Una nang sinabi ni Mandaue City police director Colonel Jonathan Abella na pinag-aralan ng mga tulisan ang seguridad sa nasabing mall bago isinagawa ang panloloob noong Sabado, Oktubre 19 ng gabi.

Iminungkahi ni Cortes sa mall management na dagdagan pa ito ng security guards at magkaroon ng sariling mga firearms.

Bukod nito, iginiit ng alkalde na dapat ding magpatrolya ang mga pulis ng Mandaue City PNP sa premises ng mall upang higpitan pa ang seguridad laban sa mga magnanakaw.