Pasok ang nag-iisang pinoy contender na tubong Tagbilaran City Bohol sa isang prestihiyosong cooking show sa Estados Unidos.
Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu, hindi pa rin makapaniwala ang BisdakChef at Physical Therapist mula sa Columbus, Ohio, na si Rex Alba na nakamit nito ang matagal na niyang pinapangarap.
Ibinahagi pa ni Alba, na bagama’t inabot ng 3 buwan ang proseso bago paman maging pinal ang mga lalahok sa naturang show ay hindi umano naging hadlang ito at sulit ang lahat ng puyat at pagod
Sinabi pa niya na bago pa man maging isang ganap na contender ay kinakailangan umanong ipasa ang lahat ng pagsusulit gaya na lamang ng psychology test maging ang mga personal na mga interviews.
Dagdag pa ng Boholano na ang naturang cooking show ay binubuo ng 8 contestants mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang maglalaban-laban bago hirangin ang top 3 finalists.
Isa naman umano sa kanyang “signature dish” ay ang dinuguan na isang masarap na putahe na nagpapaalala sa kanyang pinagmulan.
Inilarawan pa nito na maliban sa naglalakihang mga camera ang nakatutok sa bawat anggulo ng kanilang pagluluto ay time-pressuring din umano ang naturang patimpalak ngunit hindi malilimutang bahagi ng kanyang buhay.
Samantala, patuloy rin itong ipinagdadasal na mapabilang sa Top 3 finalists dahil naniniwala ito na ang karangalan na kanyang makakamit ay siya ring karangalan ng bansang Pilipinas.
Payo naman nito sa mga gustong tahakin ang ganitong klaseng kompetisyon na sundin kung ano ang laman ng puso at huwag sumuko sa pangarap dahil ito ang maghahatid sa magandang kinabukasan.