Inihayag ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pamilyar ang dating DPWH Undersecretary na si Maria Catalina “Cathy” Cabral sa lugar sa Benguet kung saan siya nahulog, na malapit lamang sa iniimbestigahang overpriced rockfall netting project site.
Ayon kay Remulla, kabisado ni Cabral ang lugar dahil siya mismo ang nag-aapruba ng mga DPWH projects, kabilang ang tinatayang ₱36-bilyong rockfall netting project.
Ginawa ng kalihim ng pahayag matapos maging palaisipan sa marami ang koneksiyon ng lugar sa pagkamatay ni Cabral.
.
Ang proyekto ay iniimbestigahan dahil sa umano’y overpricing. Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang base price ng rock netting ay ₱3,200 kada square meter, ngunit umabot umano sa ₱12,000 kada square meter ang singil sa gobyerno.
Dagdag pa ni Magalong, inaasahang magsasampa ng criminal complaint ang DPWH kaugnay ng proyekto, kung saan ang mga materyales ay galing umano sa kumpanyang pag-aari ng kapatid ni Benguet Rep. Eric Go Yap.
Nauna na ring ininspeksiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang project site noong Agosto.
Samantala, isiniwalat din ni Remulla na madalas tumuloy si Cabral sa Ion Hotel sa Baguio, na umano’y pagmamay-ari niya hanggang 2025 at kalaunan ay naibenta sa isang taong tinukoy na “best friend” ni Yap. Mariing itinanggi ito ng Ion Hotel, ngunit sinabi ni Remulla na ito ay patuloy pang sinusuri.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ni Cabral at sa mga alegasyon ng anomalya sa naturang proyekto.
















