Hindi dumaan sa pagsusuri at beripikasyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang listahan ng mga farm-to-market road (FMR) projects na isinama sa 2026 National Expenditure Program (NEP) na may halagang P8.9 bilyon.
Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, naghanda at nagsumite ang ahensya ng panibagong listahan ng mga proyekto kahit hindi naaprubahan ni Laurel, matapos maipadala na sa Kongreso ang orihinal na listahan.
Aniya, ang binagong listahan ng FMR projects na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P8.9 bilyon ay isinumite sa pamamagitan ng follow-up letter noong Disyembre 15, ilang araw matapos aprubahan ng bicameral conference committee ang pondo ng mga proyekto noong Disyembre 13.
Ipinaliwanag pa nito na hindi nasuri ni Laurel ang unang listahan dahil umano’y naka-leave ang kalihim nang ito ay maisumite.
Gayunpaman, tinanggap ng Bicameral Conference Committee ang bagong listahan ng FMR projects ng DA, kapalit ng mga proyektong nauna nang inaprubahan ng Senado at Kamara noong Disyembre 13.
Kinuwestiyon naman ni Senadora Loren Legarda kung bakit hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at sa inaprubahang House General Appropriations Bill (HGAB) ang P8.9 bilyong FMR projects.
Ipinangangamba ng senadora na ang ganitong last-minute swapping ng mga proyekto ay maaaring tularan ng ibang ahensiya ng gobyerno kung pahihintulutan.
















