Nakukulangan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga inilabas na abiso ukol sa pagbaha sa lalawigan ng Maguindanao, kung saan nasa 40 ang nasawi at marami pa ang nawawala.
Sa pagharap nito sa briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nitong nakapanghihinayang ang mga buhay na nawala at mga ari-ariang nasira.
Para sa Pangulo, kinakailangang balikan ang mga ginawang hakbang ng pamahalaan at alamin kung saan nagkulang upang hindi na ito maulit.
“It will be important for us to look back kung bakit hindi natin naagapan ito. Bakit hindi natin sila na-evacuate? Bakit ganiyan ang casualty, napakataas?” wika ni Pangulong Marcos.
Pero tugon ni Science and Technology Sec. Renato Solidum, bago pa man ang paglapit ng bagyong Paeng ay may mga pag-ulan na sa Maguindanao dahil sa shear line.
Naglabas din umano sila ng mga abiso ukol sa baha at pagguho ng lupa.