-- Advertisements --

Pinuri ng mga lider ng Kamara de Representantes ang pinakahuling survey na nagpapakita na malaking bilang ng mga Pilipino ang walang tiwala sa China, at itinuturing itong pinakamalaking banta sa Pilipinas, kasabay ng panawagan na mas patatagin ang pagdepensa ng bansa sa karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).

Nagpahayag ng suporta sina Deputy Speakers Paolo Ortega V ng La Union at Jay Khonghun ng Zambales, kasama si House Deputy Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur. 

Para sa mga mambabatas, malinaw ang ipinapakita ng survey ang pangangailangan ng pagkakaisa at agarang pagkilos upang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas.

Batay sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA, 85 porsyento ng mga Pilipino ang walang tiwala sa China, 74 porsyento ang nakikitang pinakamalaking banta ito, at 76 porsyento ang mariing sumusuporta sa pagtindig ng bansa sa karapatang pandagat.

Kabilang sa mga dahilan ng kawalan ng tiwala ang agresibong kilos ng Beijing sa WPS, pagdagsa ng mga smuggled goods, at mga krimeng kinasasangkutan ng mga Chinese national.

Para kay Ortega, napakalinaw ng mensahe na hindi pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino ang China.

Para kay Khonghun, na ang probinsya ay direktang naaapektuhan ng panghihimasok ng China, malinaw sa survey ang galit at pagkadismaya ng mga komunidad sa baybayin.

Giit niya, “Matagal nang inaapi ang ating mga mangingisda sa sariling karagatan. Ngayon, buong bansa na ang nakikibahagi sa kanilang galit. Hindi na ito usaping lokal kundi pambansang laban para sa dangal at kaligtasan.”

Dagdag pa ng kongresista, “Ang buong Pilipinas ay sumisigaw na ngayon ng matagal nang isinisigaw ng mga taga-Zambales: tama na, sobra na. Bawat pulgada ng ating dagat ay dapat ipagtanggol.”

Binigyang-diin ni Adiong na nagkakaisa ang mga Pilipino sa usaping ito: “Whether Muslim or Christian, from Mindanao or Luzon, every Filipino stands behind the defense of our seas.”

Dagdag pa ng Mindanao solon, “The WPS is not negotiable, and we will never allow our sovereignty to be sold or surrendered.”

Tiniyak ng mga mambabatas na tutugunan ng Kongreso ang panawagan ng taumbayan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng depensang pandagat at pagsuporta sa mga alyansang nagtatanggol sa soberanya ng bansa.