Pinuna ng isang mental health expert si Senator Robin Padilla matapos nitong tawaging “weak” at “iyakin” ang mga kabataan ngayon kumpara sa kaniyang henerasyon.
Matatandaan na sa pagdinig ng Senate Committee hinggil sa Children’s Safety in Social Media Act, sinabi ni Sen. Padilla na sa kaniyang panahon ay hindi pa uso ang salitang “depression,” hindi tulad ngayon na maraming mga bata ang nagsasabing sila ay “depressed.”
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, iginiit ni Dr. Gladys Samonte Canillo, psychologist, psychometrician at professional teacher, na hindi kahinaan ang pagiging bukas ng kabataan sa usaping mental health.
Aniya, maaaring hindi ito lantad noon, ngunit hindi ibig sabihing hindi ito umiiral.
Binigyang-diin din niya na ang depresyon ay hindi pag-iinarte at maaaring dulot ng social media pressure, cyberbullying, at tumataas na academic at economic stress.
Sa halip na tawaging mahina, mas dapat umanong pakinggan at gabayan ang kabataan, dahil ang pagsasabing “nahihirapan ako” ay tanda ng emotional intelligence at maaaring paraan ng paghingi ng tulong.
Dagdag pa ni Canillo, marami aniyang mga propesyonal, ang bukas na tumulong, lalo na kay Senator Padilla, upang higit na maunawaan ang mental health sa mas malawak na perspektiba.
Aniya, personal siyang handang makipag one-on-one sa senador upang magbigay ng gabay at payo hinggil sa mas malalim na pag-unawa sa usaping mental health.
















