-- Advertisements --

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Deputy Ombudsman Dante F. Vargas bilang bagong Acting Ombudsman.

Ang hakbang ay bahagi ng reorganisasyon sa Office of the Ombudsman kasunod ng pagreretiro ni Ombudsman Samuel Martires noong unang linggo ng Agosto.

Si Vargas, na dating Deputy Ombudsman para sa Visayas, ay kilala sa kanyang mga hinawakang kasong may kaugnayan sa katiwalian sa mga lokal na pamahalaan.

Isa siya sa mga pangunahing opisyal na lumagda sa desisyon ng Ombudsman na nagsuspinde kay Nueva Ecija Governor Aurelio Umali dahil sa mga iregularidad sa pag-isyu ng quarry permits.

Itinalaga siya bilang Deputy Ombudsman for the Visayas noong 2022 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinalitan niya noon si Paul Elmer Clemente sa posisyong nabanggit.

Maninilbihan siya ng pitong taong fixed term bilang Deputy Ombudsman, ngunit pansamantalang itinalaga bilang acting Ombudsman habang naghihintay ng permanenteng kapalit.

Inaasahan ng mga legal observers na ipagpapatuloy niya ang mga reporma sa loob ng ahensya, partikular sa pagpapabilis ng resolusyon ng mga kaso at pagpapalakas ng integridad ng mga imbestigasyon.

Ang Office of the Ombudsman ay may mahalagang papel sa pagsusuri at pag-uusig ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Sa ilalim ng pamumuno ni Vargas, inaasahan ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga kasong may kinalaman sa korapsyon sa rehiyon at national level.