-- Advertisements --

Nais baguhin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ilang patakarang umiiral sa mga barangay at munisipalidad kaugnay ng relief distribution sa panahon ng kalamidad.

Ginawa ng pangulo ang pahayag, atapos humarap sa briefing ukol sa pinsalang inabot ng Maguindanao at iba pang bahagi ng Bangsamoro region.

Ayon sa presidente, kung minsan ay may mga napagkakaitan ng tulong dahil lamang sa mga requirements na hinahanap sa isang recipient.

Ilan aniya sa halimbawa rito ang hindi nabigyan ng ayuda noong tumama ang supertyphoon Yolanda dahil lamang wala silang patunay na residente ng kinaroroonang barangay.

Isa pa umano ang nakita niyang mahabang pila, kung saan ang mga tao ay may mga ticket pa, para lang makatanggap ng ayuda.

Para kay Pangulong Marcos, dapat nang mabago ang mga ganitong estilo at kailangang mabilis na maibigay ang tulong sa mga nahihirapang biktima ng sakuna.