-- Advertisements --

Pugad na ng mga sindikatong kriminal ang Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Senador Ping Lacson.

Ayon sa senador, nakatanggap siya ng mga bagong impormasyon na nagpapakita ng mala-mafia na operasyon ng ilang engineering offices ng ahensya sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ibinunyag ni Lacson na sangkot ang ilang opisyal ng DPWH sa maanomalyang flood control projects, kabilang na ang mga hindi naisama sa ulat na naiparating kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Aniya, marami umanong “kalokohan” sa loob ng ahensya, tulad ng mga district engineer na nagmamaniobra sa proyekto at maging sa Philippine Contractors Accreditation Board na may sarili ring anomalya.

Ipinunto ni Lacson na ang mga mala-sindikatong aktibidad na ito ay hindi lamang sa Bulacan kundi pati na rin sa ibang lugar tulad ng San Carlos City sa Negros Occidental.

Nauna na rin niyang ibinulgar sa kanyang privilege speech ang katiwalian sa mga flood control project sa Pampanga, La Union, at Oriental Mindoro.

Dagdag pa ng senador, nakatanggap siya ng ulat tungkol sa mga kuwestiyonableng kontrata na iginawad sa mga fly-by-night contractors gaya ng Darcy and Anna Builders na nakakuha ng flood control projects sa Bulacan.

Mas mabigat pa rito, ayon kay Lacson, ay ang papel ng ilang mambabatas na nagsusulong ng “insertions” sa badyet para sa mga proyektong ito.

Dahil sa kawalan ng transparency, hindi sila natutukoy at nananatiling ligtas sa pananagutan.

Binigyang-diin ni Lacson na kasakiman ang nagtutulak sa korapsyon sa 2025 General Appropriations Act, kung saan mas malaking alokasyon ang napunta sa DPWH kaysa sa sektor ng edukasyon, bagay na labag sa Saligang Batas.

Idinagdag pa niya na naapektuhan maging ang subsidy ng PhilHealth dahil sa mga realignment na ginawa para pagbigyan ang mga proyekto ng ilang “funder.”

Giit niya, ito ang dahilan kung bakit patuloy siyang nananawagan ng ganap na transparency sa budget process upang matukoy at mapanagot ang mga mambabatas na may kinalaman sa mga anomalya at ghost projects.