Ikinalugod ni Senate Deputy Minority Leader Juan Miguel Zubiri ang naging hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na higpitan pa ang regulasyon laban sa mga online gambling payments.
Ayon sa senador, pinalalakas ng panukalang circular na ito ang laban upang mabawasan ang madaling akses sa online gambling.
Batay sa nasabing panukala, ipagbabawal sa mga payment service providers ang pagbibigay ng link papunta sa mga online gambling websites.
Kasabay ito ng naunang direktiba ng BSP na nag-aatas sa mga e-wallet operators na putulin ang kanilang koneksyon sa mga naturang platform.
Para kay Zubiri, malinaw na ipinapakita ng hakbang na ito na seryoso ang central bank sa pagbuwag sa kaginhawaang naging dahilan ng pag-usbong at paglago ng online betting.
Ipinaliwanag ng senador na ang adiksiyon sa pagsusugal ay nagsisimula sa madaling pag-access. Kung hindi agad kikilos ang pamahalaan sa aspetong ito, mahihirapan aniya ang mga kampanya para sa pagpapatupad ng batas at pagbibigay ng edukasyon.
Binigyang-diin pa ni Zubiri na higit pa sa usaping pang-ekonomiya, ang hakbang na ito ay may layuning protektahan ang mga pamilyang Pilipino laban sa adiksiyon na patuloy na lumalala dahil sa mahina at mabagal na regulasyon.