Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko para maiwasan ang hand, foot and mouth disease (HFMD).
Ito ay kasunod ng pagsipa ng kaso ng naturang sakit sa mahigit 7% ngayong taon kumpara noong 2024.
Base sa tala ng DOH noong Agosto 9, sumampa na sa 37,368 ang kaso ng hand, foot and mouth disease ngayong 2025 mula sa 5,081 na kaso sa kaparehong panahon noong 2024.
Nasa kalahati ng mga tinatamaan ng sakit ay mga batang edad isa hanggang tatlong taong gulang.
Ayon sa DOH, ang HFMD ay nakakahawang sakit na maaaring makuha sa pamamagitan ng paghawak sa mata, ilong o bibig gamit ang kamay na nahawakan ang bagay na kontaminado ng virus.
Ilan sa mga sintomas ng sakit ay ang lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan at mga butlig sa palad at talampakan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na sakaling maramdaman ang mga nabanggit na sintomas, manatili muna sa bahay sa loob ng 7 hanggang 10 araw o hanggang sa mawala na ang lagnat at matuyo ang mga sugat.
Para di maihawa ito sa mga kasama sa bahay, payo ng DOH na dapat ihiwalay ang mga gamit ng indibidwal na dinapuan ng naturang sakit at gumamit ng disinfectant upang linisin ang lugar kung saan ito nanatili.