-- Advertisements --

Dapat mauna ang mga mambabatas sa lifestyle check na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang iginiit ni Presidential Sister Senadora Imee Marcos bunsod ng kontrobersiya at imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Marcos, bilang lider ng bansa, dapat sila ang manguna sa direktiba ng Pangulo na lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.

Ayon pa kay Senadora Imee, bukas din daw siya na ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) dahil aniya public document naman ito.

Bukod sa lifestyle check, dapat din aniyang imbestigahan ang negosyo at may makulong.

Samantala, sa pulong-balitaan, handa rin si Senadora Risa Hontiveros na sumailalim sa lifestyle check at maglabas ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Ito raw ay para maipakita ang kanyang middle-class na estilo ng pamumuhay.

Naniniwala si Hontiveros na makatutulong ang lifestyle check upang mabawasan ang talamak na katiwalian sa paggamit ng public fund para sa mga proyekto ng gobyerno.

Una na ring nagpahayag ng suporta ang liderato ng Senado sa utos ng Pangulo na lifestyle check.

Giit ni Senate President Francis Escudero, may malinaw na batayan ang Pangulo upang ipatupad ang ganitong hakbang.

Tinukoy nito ang Article XI, Section 1 ng 1987 Constitution na nag-uutos sa mga lingkod-bayan na maging tapat at responsable sa kanilang tungkulin, mamuhay nang simple, at magsilbi nang may integridad.

Binigyang-diin din niya ang Section 8 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na nagsasaad ng pag-dismiss sa mga opisyal na hindi makapagpaliwanag ng kanilang yaman, pati na ang Republic Act 1379 o Forfeiture Law na nagbibigay kapangyarihan sa pamahalaan na kumpiskahin ang mga ilegal na nakuhang ari-arian.

Dagdag pa rito, binanggit din ng senador ang Section 4(h) ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na mahigpit na nagbabawal sa mga opisyal at kanilang pamilya na magpakitang-yaman.

Samantala, iginiit naman ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na panahon na upang ipatupad ang mas mahigpit na lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos lumabas ang ulat na ilang empleyado ng ahensya ay nagtataglay ng mga mamahaling sasakyan at luho na hindi tugma sa kanilang sweldo.