Umalma si Senador Erwin Tulfo sa umano’y korapsyon sa loob ng Bureau of Internal Revenue (BIR), partikular sa umano’y pang-aabuso sa Letter of Authority (LOA) na ginagamit umanong money-making scheme ng ilang tauhan ng ahensya.
Hinimok ni Tulfo si BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na repasuhin ang Letter of Authority at i-reshuffle ang mga regional director.
Sa plenaryo ng Senado, iginiit ni Tulfo na marami sa kanyang mga kaibigang negosyante — kabilang na ang maliliit at single proprietorship — ang nakararanas ng panggigipit mula sa ilang BIR inspectors o examiners.
Kinuwestiyon din niya ang pag-backtrack umano ng ilang examiners ng hanggang lima o anim na taon, na aniya’y nagiging paraan para pwersahin ang mga taxpayer na maareglo na lamang.
Kasabay nito, binanatan din ng senador ang umano’y pagiging “non-performing” ng mga regional directors ng BIR.
Giit ni Tulfo, hindi siya bilib sa mga regional directors ng ahensya kaya’t kailangan na silang ma-reshuffle.
Gayunman, tiniyak ni Tulfo ang buong suporta niya, maging ng kapatid niyang si Senator Raffy Tulfo, sa mga repormang nais ipatupad ng bagong hepe ng BIR.
Naniniwala ang senador na kaya itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong commissioner ay dahil sa tiwala nitong maisasaayos ang ahensya.













