Pinasinungalingan ni Senator Imee Marcos ang kumakalat na maling impormasyon na siya ang kumumpas ng balasahan sa Senado.
Sa isang statement, mariing inihayag ng Senadora na huli na niyang nalaman ang hinggil sa naturang hakbang at mapapatunayan aniya ito ng buong Minority bloc ng Mababang Kapulungan.
Aniya, Kahit hindi siya bahagi ng Majority bloc ay lubos siyang nagpasalamat kay Senate President Vicente Sotto III noong ibigay sa kaniya ang chairmanship ng Senate Commitee on Foreign Relations.
Aminado rin ang Senadora na wala siyang inaasahan kahit katiting pagdating sa anumang pagkilos sa loob ng Senado, bilang siya ay isang kritiko ng pamahalaan sa ilalim ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinukoy din ng presidential sister ang tila dahilan sa pagpapalit ng liderato ng Senado, na bunsod aniya ng pangamba ng mga Senador “na nayayanig na ang kanilang institusyon dahil sa mga kaso at kontrobersiyang hindi dapat senador ang managot.”
Matatandaan, kamakailan binanggit ni Sotto na isa umano sa posibleng dahilan na nag-udyok sa minorya para isulong ang pagpapalit sa liderato ng Senado ay ang pagkakatanggal ni Sen. Imee bilang chairman ng Senate Commitee on Foreign Affairs.
Subalit, nauna na itong nilinaw ng Senadora at iginiit na wala siyang kinalaman sa umano’y balak na pagpapatalsik kay SP Sotto.
















