Nakabalik nang muli sa bansa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa dinaluhang pagtitipon kasama ang iba pang world leaders sa ginanap na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
Nakarating ang pangulo sa Pilipinas kasama ang iba pang Philippine delegation bandang alas-10:39 ng gabi ng Sabado, Nobyembre 19, 2022
Kasunod nito ay agad na iniulat ni President Marcos Jr. ang mga usapin na kanilang tinalakay sa nasabing summit kabilang na ang usapin sa post-COVID-19 economic recoveries, at pagpapalakas pa sa pagtugon sa iba’t-ibang global issues na kinakaharap ng bawat bansa tulad ng inflation, food self-sufficiency, climate change, energy security, natural disasters, at marami pang iba.
Aniya, ang naganap na pagpupulong ngayon ng 21 Economic Leader ng APEC Member Economies ay talagang nakakahikayat dahil tila magkakapareho raw ang problemang kinakaharap ng karamihan kung kaya’t mayroong pagkakatugma sa mga pananaw ng mga ito at pagsusuri sa mga bagay.
Bukod dito ay inihayag din ng punong ehekutibo na nagsagawa rin sila ng bilateral discussion sa kaniyang mga counterpart mula sa mga bansang Saudi Arabia, France, Australia, New Zealand, at China sa layuning mapalalim pa ang bilateral cooperation ng Pilipinas sa mga lugar na may kinalaman sa investments, agriculture, infrastructure, energy at gayundin ang proteksyon para sa mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs).
Habang iniulat din niya na sa pagtatapos ng kaniyang paglalakbay ay nakipagpulong din siya sa Filipino Community sa Thailand kung saan naman niya inihayag ang pagtatatag ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa nasabing bansa na layunin namang magtaguyod ng karapatan at kapakanan ng mga OFW.