Nagsimula na ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin para sa mock elections, field testing at mga road shows na isasagawa ng Commission on Elections (COMELEC) bago ang araw mismo ng halalan sa Bangsamoro. Kaugnay pa nito, muling nagsanib puwersa ang poll body, National Printing Office at Miru Systems para sa pag-imprenta ng mga kakailanganing balota para sa Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nasa mahigit 200,000 na mga balota ang kailangang maunang iimprenta para sa mga naturang aktibidad na gagamitin sa bahagi ng Bangsamoro sa susunod na linggo.
Tiniyak ni Garcia na kailangang maraming mga balota ang maimprenta lalo na yung para sa mga road shows upang maraming mga botante ang makasubok ng paggamit ng Automated Counting Machines na may kasamang mga balota.
Samantala, ang pag-imprenta naman ng mga official ballots ay inaasahang magsisimula sa ikatlong linggo ng Agosto. At ang beripikasyon at shipping ng mga naturang balota ay sa Setyembre na.
Nasa 2.3M na mga opisyal na balota para sa Bangsamoro ang kailangang iimprenta. Ayon kay Garcia, ito ay kayang matapos sa loob ng pitong araw. Dagdag pa niya na inabisuhan niya na rin ang NPO at Miru Systems na huwag madaliin ang pagbeberipika ng mga balota upang matiyak na maayos na mga balota ang ipapadala sa Bangsamoro.
Kaugnay pa nito, ngayong araw din ay muling pumirma ng Memorandum of Agreement ang poll body, National Printing Office at Miru Systems para sa pag-iimprenta muli ng mga balotang kailangan sa BARMM.