-- Advertisements --

Sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na inaasahan ng mapipirmahan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang batas para sa 7 seats. Kaugnay pa nito, isinagawa na rin ang trusted build ng Election Management System na gagamitin para sa BARMM Parliamentary Elections.

Ayon kay Garcia, bagaman, inaasahan na mapipirmahan na ang batas para sa 7 seats, hindi ito agarang iaaapply sa kanilang nagiging paghahanda sa kasalukuyan. Aniya, kailangan muna nilang tignan ang magiging wordings ng batas lalo na kung ito ay may kinalaman sa pagsasagawa muli ng filing of Certificate of Candidacy (CoC) dahil mangangailangan ito ng panahon.

Paglilinaw ng komisyon na hindi nila pipigilan ang anumang batas na kanilang ipapasa dahil ito ay kanilang karapatan bilang parlyamento ngunit kailangan itong tignan ng poll body.

Samantala, natapos na ang trusted build ng sistema na gagamitin para sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE). Ayon kay Garcia, ito ay ginagawa dahil nagkaroon ng pagbabago sa source code kaya kailangan itong isailalim muli sa trusted build upang matiyak ang kredibilidad, seguridad at kawastuhan ng sistema.

Dagdag pa niya na naglagay pa rin sila ng ‘add feature’ sa sistema upang kung may kailangang idagdag lalo na kung maayos na ang re-apportionment ng 7 seats ay madali na lamang itong gawin.