Nakatakdang ilipat ang kontrobersiyal na Chinese national na si Jianxin Yang o mas kilala sa tawag na Tony Yang sa Bureau of Immigration (BI) para sa paglilitis may kaugnayan sa kaniyang immigration offenses.
Si Tony Yang ay ang nakakatandang kapatid ng dating Presidential Economic Adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.
Ang bagong development naman ay kasunod ng pagkakaaresto kay Tony Yang mula sa detention facility ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Pasay City nitong gabi ng Miyerkules, Hulyo 9 dahil sa patung-patong na kasong kriminal laban sa kaniya kasunod ng inisyung warrant of arrest ng Municipal Trial Court Branch 2 ng Cagayan de Oro City.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Yang ay ang pagpalsipika ng public documents, perjury at paggamit ng napakadaming alias na paglabag sa Alias Law.
Matatandaan nauna ng inaresto si Tony Yang sa NAIA Terminal 3 noong Setymebre 19, 2024 para sa mga administrative violations sa immigration laws.
Mananatili naman si Tony Yang sa kustodiya ng Pasay City Police Station habang nakabinbin ang paglagak niya ng piyansa.
Sa oras naman na makalaya si Yang saka ito ililipat sa kustodiya ng immigration bureau.