Kinumpirma ng Malacanang ang pagtugon sa imbitasyon ng China para bumisita roon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Press Secretary Trixie Angeles na tinanggap na ni Pangulong Marcos ang imbitasyon, ngunit wala pa nga lang eksaktong petsa kung kelan.
Una na ring napaulat ang mga imbitasyon din sa Pangulong Marcos na magsalita sa UN General Assembly sa New York sa Setyembre, sa APEC Summit sa Thailand sa Nobyembre, gayundin sa Brussels at iba pa.
Samantala, sinabi naman ni Angeles na kaugnay ng pagkikita at pulong kamakailan sa Palasyo nina Pangulong Marcos at Chinese Foreign Minister Wang Yi, binigyang diin ng opisyal na palalakasin pa ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa panig ng presidente, sinabi nito na hangad niyang maiakyat sa mas mataas na antas ang bilateral ties ng dalawang bansa.
Hindi naman aniya napag-usapan sa pagkikita ang maritime dispute, na dating mainit na usapin, matapos ang The Hague ruling na nagbabasura sa nine dash line ng higanteng bansa.