-- Advertisements --

Higit sa 1.5 milyong Afghan ang napilitang bumalik sa Afghanistan ngayong taon matapos paalisin mula sa Iran at Pakistan, kasunod ng apat na taon mula nang muling sakupin ng Taliban ang Kabul ayon sa United Nations (UN).

Batay sa datos ng International Organization for Migration (IOM) na 700,000 sa mga ito ay mula Iran, kung saan marami ang napilitang lumikas dahil sa pinalalalang kampanya ng gobyerno laban sa mga Afghan, kabilang ang mga paratang ng pag-eespiya.

Dagdag pa rito, tinatayang 2 milyon sa 6 milyong Afghan sa Iran ay walang legal na dokumento, at inatasan ng Iran na bumalik na ng kanilang bansa.

Habang sa Pakistan naman, pinabilis din ang pagpapaalis ng mga Afghan refugee matapos ang anunsyong hindi na palalawigin ang kanilang mga Proof of Registration cards.

Dahil dito, mas marami pang inaasahang Afghan ang uuwi sa kanilang bansa.

Ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), marami sa mga bumalik ay hindi na nakatuntong sa Afghanistan sa loob ng ilang dekada, o kaya’y ipinanganak na sa ibang bansa at ngayon pa lang makakapasok sa bansa. Marami ang dumating sa mga border ng bansa na gutom, pagod, at walang malinaw na direksyon.

Sa ilalim ng pamumuno ng Taliban, humaharap ang mga returnees sa mahigpit na mga limitasyon sa karapatan—lalo na sa kababaihan, na pinagbabawalan sa pag-aaral at malayang paggalaw.

Sa gitna ng krisis, bumaba rin ang pondo para sa tulong ng mga bumabalik. Ayon sa UNHCR, mula sa $2,000, bumaba ito sa $156 na natatanggap ng bawat pamilya — halagang sapat lamang para sa isa o dalawang linggo ng pangangailangan.

Bagama’t kinilala na ng Russia ang Taliban bilang opisyal na gobyerno ng Afghanistan, karamihan sa mga bansa ay hindi pa ito tinatanggap. Ipinahayag ng ilang eksperto na ang sapilitang pagpapauwi ng mga Afghan refugees ay maaaring lumabag sa prinsipyo ng non-refoulement, o ang pagbabawal sa pagpapabalik ng tao sa isang bansang maaaring manganib ang kanilang buhay.