-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamahalaang Taliban ng Afghanistan na inatake nila ang mga tropa ng Pakistani sa ilang bulubunduking bahagi ng border ng dalawang bansa.

Ayon sa Taliban, ito ay bahagi ng kanilang “retaliatory operations” matapos umanong bombahin ng Pakistan ang isang pamilihan sa loob ng teritoryo ng Afghanistan noong Huwebes, Oktubre 2.

Tinawag naman ng Pakistan ang mga pag-atake bilang “unprovoked” o walang dahilan, at iginiit na mga sibilyan ang tinarget ng grupo.

Ayon kay Interior Minister Mohsin Naqvi, tutugon ang kanilang puwersa ng ”stone for every brick,” bilang babala sa Taliban.

Ayon pa sa ulat parehong gumamit umano ang dalawang panig ng small arms at artillery sa Kunar-Kurram region. Kung saan apektado ang ilang lugar kabilang ang Angoor Adda, Bajaur, Kurram, Dir, Chitral at Baramcha.

Ngunit ayon sa Taliban, nilabag umano ng Pakistan ang kanilang soberanya sa pamamagitan ng pambobomba sa Paktika province, kung saan ilang tindahan ang nasira.

Itinanggi naman ang Islamabad sa paratang at sinabing ginagamit ng mga militanteng Pakistan Taliban o TTP ang Afghanistan bilang base ng operasyon laban sa kanila.

Samantala nanawagan naman ang Saudi Arabia at Qatar ng self-restraint at dayalogo upang maiwasan ang mas malalang sagupaan.