Ipinagbawal na ng Taliban sa Afghanistan ang mga aklat na isinulat ng mga kababaihan mula sa mga pampublikong unibersidad gayundin ang pagtuturo ng karapatang pantao at sexual harassment.
Ayon sa ulat, mahigit 140 aklat na isinulat ng mga babae — kabilang ang “Safety in the Chemical Laboratory” —ay kabilang sa 680 aklat na itinuturing ng Taliban bilang labag sa aral ng kanilang Sharia at sa mga polisiya ng bansa.
Bukod dito, 18 kurso din ang hindi na papayagang ituro sa mga unibersidad. Anim sa mga ito ay partikular na tumatalakay sa kababaihan, gaya ng Gender and Development, The Role of Women in Communication, at Women’s Sociology.
Ayon sa Taliban, ang mga kursong ito ay sumasalungat umano sa prinsipyo ng Sharia at sa sistema ng polisiya.
Ito ay bahagi ng sunod-sunod na paghihigpit ng Taliban mula nang muling makabalik sa kapangyarihan apat na taon na ang nakalilipas.
Ilang araw lang ang nakalipas, ipinagbawal din ng pamahalaan ng Taliban ang paggamit ng fiber-optic internet sa hindi bababa sa 10 lalawigan para raw mapigilan ang “immorality.”
Simula pa noong 2024, ipinasara na rin ang mga kursong pang-midwifery. Hanggang ngayon, bawal pa rin silang mag-aral ng lampas sa Grade 6.
Una nang ipinagtanggol ng Taliban ang kanilang mga patakaran sa pagsasabing iginagalang nila ang karapatan ng kababaihan ayon sa kanilang interpretasyon ng kulturang Afghan at Islamic law, ngunit patuloy ang natatanggap na batikos mula sa lokal at international community dahil sa malawakang diskriminasyon at pagbura sa karapatan ng kababaihan.
















