-- Advertisements --

Nagkasundo na ang Afghanistan at Pakistan na magpatupad ng ceasefire nitong Linggo matapos ang ilang linggong sagupaan na kumitil ng dose-dosenang buhay at nakasugat sa daan-daan katao.

Ang tigil-putukan, na pinangunahan ng Qatar at Turkey, ay agad na ipinatupad upang pansamantalang itigil ang mga palitan ng bala sa border ng dalawang bansa.

Maalalang lumala ang tensyon simula pa nitong buwan, habang parehong bansa ang nagsisihan sa isa’t isa sa mga pag-atake. Mariing itinanggi ng Taliban-led government ng Afghanistan na nagbibigay ito ng kanlungan sa mga militante na umaatake sa mga border area.

Ayon sa tagapagsalita ng Taliban na si Zabihullah Mujahid, nagkasundo ang dalawang panig na hindi magsasagawa ng anumang mapanirang aksyon laban sa isa’t isa at hindi susuportahan ang mga grupong nagsasagawa ng pag-atake sa kabilang panig.

Dagdag pa niya, magkakaroon ng hakbang sa tulong ng mga bansang namamagitan upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng kasunduan at pagresolba ng mga alitan.

Kinumpirma rin ni Pakistan Defense Minister Khawaja Asif sa social media platform na X (dating Twitter) ang kasunduan, at sinabi niyang ititigil agad ang cross-border terrorism mula sa teritoryo ng Afghanistan.