-- Advertisements --

Nanawagan ang Mayors for Good Governance kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalanan na ang mga tiwaling politiko at kontratista sa likod ng mga palpak na proyekto sa imprastruktura, lalo na sa flood control.

Sa kanilang pahayag noong Sabado, sinabi ng grupo — na kinabibilangan nina Mayor Benjamin Magalong (Baguio), Mayor Vico Sotto (Pasig), Mayor Joy Belmonte (Quezon City), at Mayor Sitti Hataman (Isabela City) — na matagal nang may katiwalian sa ganitong proyekto at kailangang managot ang mga sangkot.

‘Flood control projects have existed for decades, but over the past years, corruption in these projects has become more alarming, pervasive, and systematic,’ pahayag ng grupo.

‘Those who have stolen public funds must face the full force of the law. Once proven guilty, politicians and bureaucrats must not only be removed from office, but also prosecuted and jailed,’ dagdag pa sa pahayag.

Hiniling nila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya na ilabas ang mga dokumento at pangalan ng mga politiko at kontratistang nakinabang sa mahigit P100 bilyong pondo, na napunta lamang sa 15 kontratista mula 2022 hanggang 2025.

Nag-ugat ang panawagan sa pagkabahala ni Pangulong Marcos sa kalidad ng mga proyekto, gaya ng nasirang flood barrier sa Calumpit, Bulacan, kung saan nagpahayag siya ng pagkadismaya.

Samantala, sinabi ni naman Mayor Magalong na handa siyang mag-volunteer na maging bahagi ng independent body basta’t ipaubaya sa kaniya ang pagpili ng mga imbestigador na magiging bahagi ng naturang lupon.

Hiniling din ng alkalde na kung sakali ay payagan din siyang personal na mamili sa mga ahenisya na magiging kasama sa lupon.