Ibinunyag ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi nila naipalipad ang mga drone noong Agosto 11 matapos ang banggaan ng dalawang barkong Tsino sa Bajo de Masinloc dahil umano sa signal jamming.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, pinaniniwalaan nilang sinadya ng China na hadlangan ang operasyon ng kanilang drone systems upang hindi madokumento ang insidente.
Aniya, ito ang unang pagkakataong nakaranas ng electronic jamming ang PCG sa lugar. Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng ahensya ang mga paraan upang matiyak na maipagpapatuloy ang paggamit ng drone kahit pa may panghaharang mula sa Beijing.
Binigyang-diin din ni Tarriela na walang kinalaman ang Pilipinas sa banggaan ng barko ng People’s Liberation Army Navy at ng China Coast Guard, at ang tensyon ay nag-ugat lamang sa “mapanganib na aksyon at ilegal na presensya” ng China sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.