-- Advertisements --

Nagpasalamat ang Philippine Coast Guard (PCG) sa China Coast Guard (CCG) sa kanilang pagligtas sa 17 Filipino crew members mula sa barkong MV Devon Bay na tumaob noong Huwebes, Enero 22, malapit sa Scarborough Shoal.

Ayon kay PCG spokesperson Capt. Noemie Guirao-Cayabyab, 36 nautical miles mula sa insidente, ang CCG Vessel ay agad na nagbigay ng tulong.

Itinuring ng PCG na isang moral na obligasyon ng bawat estado ang magsagawa ng mga operasyon kaugnay ng sakuna, ayon narin sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Batay sa ulat, umalis ang naturang cargo vessel sa Gutalac, Zamboanga del Sur at naglayag patungong YangJiang, China nang mangyari ang insidente.

Lulan ng naturang barko ang 21 Pilipinong tripulante na ayon sa
sa post ng China Military Bugle, 15 sa kanila ang nasa stable na kondisyon na at 2 ang kumpirmadong nasawi habang 4 na crew member pa ang nawawala.

Ang huling lokasyon ng barko ay naitala sa 141 nautical miles west ng Sabangan Point sa Agno Bay, Pangasinan.

Sa kasalukuyan, ang PCG ay patuloy na nagsasagawa ng search and rescue operations gamit ang mga barko at eroplano nito.

Sa aerial surveillance, nakita ang isang overturned life raft at mga bakas ng langis malapit sa insidente, na nagdulot ng pangamba tungkol sa posibleng oil spill.

Inaalam din ng PCG kung ang kargamento ng barko ay nickel at hindi iron ore.

Habang patuloy ang koordinasyon ng PCG sa Hong Kong Rescue Coordinating Center, inaasahan nilang matatanggap ang mga rescued Filipino crew members at patuloy na isinasagawa ang search and rescue efforts.