-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Ping Lacson na isapubliko ang pangalan ng mga senador at kongresista na maghahain ng mga amyenda o rekomendasyon para dagdagan o bawasan ang pondo sa panukalang 2026 national budget. 

Sa pagtalakay ng Senate Concurrent Resolution No. 4, iginiit ni Lacson, kung mananatiling lihim ang impormasyon, patuloy na mauulit ang tinatawag na “insertions” sa budget. 

Paliwanag ng mambabatas, hindi magiging tunay ang ipinagmamalaking transparency kung hindi mababatid ng taumbayan kung sino ang responsable sa mga dagdag na pondo. 

Aniya, nahihirapan silang matukoy kung aling mambabatas ang nagpapalaki ng budget ng isang proyekto o ahensya na hindi naman nararapat.

Bilang halimbawa, sinabi niyang may pagkakataon na ang pondong nakalaan na ₱200 milyon para sa isang distrito ay biglang tataas sa ₱15 bilyon. 

Idinagdag pa niya na may mga party-list representatives na, kahit walang distrito, ay naglalaan ng pondo sa congressional districts — isang gawi na umano’y karaniwan na ngayon.

Nang ipunto ni Gatchalian na mahirap maglabas ng kumpletong listahan dahil sa dami ng pagbabagong pinagdaraanan ng mga panukalang amyenda, sinabi ni Lacson na maaari namang gawin ang “backtracking” at handa siyang tumulong para makabuo ng sistemang magpapadali sa prosesong ito.

Sa ilalim ng Senate Concurrent Resolution No. 4, lahat ng dokumentong may kaugnayan sa budget — mula sa mga panukalang pondo ng iba’t ibang ahensya, resulta ng mga pagdinig, tala ng bicameral conference, hanggang sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill — ay dapat mailathala sa mga opisyal na website ng Senado at Kamara bago isumite sa Pangulo.

Nilalayon nitong tiyakin na bukas sa publiko ang mahahalagang impormasyon upang mapalakas ang pakikilahok ng mamamayan sa pagtalakay sa 2026 national budget.

Sa ganitong paraan, masisiguro umano na ang bawat piso ng kaban ng bayan ay nagagamit nang maayos at nakahanay sa pangunahing pangangailangan ng bansa.