Dismayado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga nadiskubring mga problema sa mga flood control projects sa Bulacan.
Itoy matapos nagsagawa ng inspection ang Pangulo partikular sa Calumpit at Barangay Frances.
Sa naging assessment ng pangulo partikular na binanggit nito ang mga butas na dike, na dapat aniya ay buo para sa kahabaan ng proyekto.
Giit ng Pangulo maigi na pumunta sa lugar ang contractor upang makita kung gaano kahirap ang buhay na binigay nila sa mga kababayan natin.
Napansin rin ng pangulo ang halos 200 metro ng revetment ng proyekto ang hindi tapos, gayung nakalagay sa report ng proyekto na kumpleto na ito.
Sa mga nakitang problema ng Pangulo hihingan ng paliwanag ng pamahalaan ang St. Timothy Construction Corporation sa mga nakitang problema sa River Protection Structure sa Calumpit, Bulacan ngayong araw.
Ang St. Timothy Construction Corporation, isa sa Top3 contractors sa 15 kumpanya na nakakuha ng pinaka-maraming flood control project contract sa pamahalaan.
Pinasuri din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga scuba divers ang flood control projects sa Calumpit.
Batay sa isinagawang inspeksyon, natuklasan na natabunan ng makapal na silt ang mga pader sa ilalim ng concrete slope protection, dahilan para hindi makita kung may sheet piles pa.
Sa pagkapkap ng mga divers, lumabas na hindi na nakadikit ang beam sa anumang sheet pile support at may malinaw na puwang sa pagitan ng dalawa, na dapat sana ay magkadikit para masigurong matibay ang istruktura.
Tinungo din ni Pangulong Marcos ang Barangay Frances sa Bulacan kung saan kaniyang pinuna ang semento ng proyeko na aniya ay manipis at hindi pantay – pantay; Ang bakal naman ng flood control project, tila hindi na aniya nakabaon sa lupa.
Isa pang napansin ng pangulo, dapat lahat ng flood control projects ay mayroon nang kasamang dredging at disiltation, ngunit ang binabanggit ng local officials, ni minsan ay wala silang nakitang ganito sa flood control projects sa kanilang lugar.
Malinaw, ayon sa pangulo na hindi tugma ang kinalabasan ng PhP96 million na halaga ng proyekto, na nakasulat na deskripsyon nito sa papel, at sa kontratang binayaran ng gobyerno.
Kaya Hindi lubos maisip ng pangulo kung bakit nagkaganito ang mga flood control projects gayong ang laki ng pondo na inilaan ng gobyerno para dito.
Dahil dito siniguro ng Pangulo na mananagot ang mga contractor at mga opisyal na sangkot sa proyekto.
Sa datos ng DPWH, ang Bulacan ay mayruong 668 flood control projects na nagkakahalaga ng P6.5 billion.
Ang rehabilitation ng River Protection Structure ay nagkakahalaga ng P96.4 million.