Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng mas matibay na ugnayan ng lokal at pambansang pamahalaan upang mapalakas ang sistemang pangkalusugan ng bansa.
Sa pagbisita niya sa Baseco community at sa bagong rehabilitate na President Corazon C. Aquino General Hospital sa Port Area, Manila, inanunsyo ng Pangulo ang dagdag na P15 milyon mula sa Office of the President para sa pagpapaunlad ng ospital.
Pinuri ni Pangulong Marcos ang inisyatiba ng lokal na pamahalaan at iginiit na buo ang suporta ng national government.
Bilang dating gobernador, aniya, nauunawaan niya ang pangangailangan ng LGUs para sa mas epektibong paghahatid-serbisyo.
Tinatayang 20,000 residente ng Baseco ang nairehistro sa PhilHealth upang ganap na makinabang sa serbisyong medikal. Kabilang dito ang libreng konsultasyon at diagnostic tests sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), kung saan accredited ang Baseco Hospital.
Muling iginiit ni PBBM ang prayoridad ng administrasyon: palakasin ang healthcare system at tiyaking hindi na kailangan gumastos nang malaki ang mga mamamayan para sa pagpapagamot.
















