Mas maraming Pilipino pa rin ang pabor sa pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ito ang ipinagmalaki ni Office of the Press Sec. officer-in-charge Usec. Cheloy Garafil, batay aniya sa survey ng PUBLiCUS Asia, kasunod na rin ng pahayag ng Pangulo na hindi pa niya nakikita sa ngayon na kailangan na niyang umalis sa ahensya.
Ayon kay Garafil, base sa survey, lumitaw na 63 porsiyento ang sang-ayon sa pananatili ng presidente bilang Agriculture chief, 15 porsiyento ang hindi sang-ayon at 22 porsiyento naman ang undecided.
Isinasaga ang survey noong Setyembre 16-20, 2022 na nilahukan ng 1,500 adult respondents.
Matatandaang sinabi ng Pangulong Marcos na nagpasya siyang hawakan ang ahensya para ipakita sa mamamayan na pinapa-prayoridad niya ang sektor ng agrikultura.