Nalubog sa baha ang ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) nitong gabi ng Lunes dahil sa tuluy-tuloy na mga pag-ulang dala ng Southwest monsoon o hanging habagat.
Pasado alas-7:00 kagabi, hindi na makadaan ang lahat ng uri ng sasakyan sa may Balintawak Cloverleaf Southbound, Valenzuela Interchange Northbound at Paso de Blas Southbound, base sa inilabas na advisory ng NLEX.
Sa may Balintawak Cloverleaf northbound, tanging ang class 3 vehicles tulad ng malaking trucks ang kayang makadaan.
Pansamantalang isinara din ang toll plazas sa Paso de Blas Southbound exit/entry, Meycauayan Southbound Entry, Marilao Southbound Entry at sa Ciudad de Victoria Southbound Entry.
Nagresulta naman ito sa ilang oras na pagkaantala ng ilang biyahe ng mga bus mula Metro Manila matapos hindi madaanan ang NLEX northbound dakong alas:7:30 ng gabi dahil nagmistulan itong ilog bunsod ng baha.
Ilang mga sasakyan din ang na-stranded o natigil sa expressway ng ilang oras dahil may ilang sasakyan na hindi na kinayang makausad sa lalim na ng baha.