-- Advertisements --

Patuloy ang pagdurusa ng ilang bayan sa Bulacan bunsod ng matinding pagbaha, dulot ng halos 5ft high tide ngayong Biyernes, ang pinakamataas na naitala sa taong 2025, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Bandang 9:30 ng umaga, umabot sa 4.83 talampakan ang taas ng tubig-dagat, higit pa sa karaniwang 2–3 talampakan.

Lalong lumala ang pagbaha sa mga mabababang lugar kung saan ang tubig ay abot baywang hanggang dibdib, dahilan upang lumikas ang libu-libong residente.

Kabilang sa matinding apektado ang mga bayan ng Hagonoy, Bulakan, Calumpit, Paombong, at Malolos.

Pinagsama-samang epekto ng Habagat, high tide, at back flood ang nagpapalala sa sitwasyon.

Tinatayang aabutin pa ng 4 hanggang 5 araw bago tuluyang bumaba ang tubig, ngunit mabagal ang pag-agos dahil sa mataas na lebel ng dagat.

Mahigit 6,000 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers. Samantala, idineklara na ang state of calamity sa mga bayan ng Meycauayan, Calumpit, Balagtas, Hagonoy, Paombong, Bocaue, at Marilao.

Ayon kay PDRRMO chief Manuel Lukban, “Ito na ang pinakamataas na high tide na naitala ngayong taon. Higit itong nagpataas ng baha sa mababang lugar,” aniya.

Patuloy ang pagbibigay ng ayuda ng mga lokal na pamahalaan at paghikayat sa publiko na maging alerto, lalo na sa mga lugar na madalas bahain.