Maghahain ng motion for reconsideration ang Kamara de Representantes kaugnay ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kahit nakasunod ito sa panuntunan na kanilang inilabas sa mas naunang desisyon.
Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, ang desisyon ng SC ay taliwas sa panuntunan na siyang sinusunod bago ang inilabas na desisyon noong Biyernes.
Sinabi ni Abante na bagamat nananatili ang respeto ng Kamara sa Korte Suprema, ang Kamara ay lubos na nababahala matapos matanggap at mabasa ang desisyon ng Korte Suprema kung saan pinawalang-bisa ang impeachment complaint na isinampa noong Pebrero 5, 2025 laban kay Vice President Sara Duterte.
Giit ni Abante matapos ang masusing pag-aaral, maghahain ng Motion for Reconsiderationang Kamara dahil ang Desisyon – na nagsasabing ang Articles of Impeachment na ipinadala sa Senado ay barred o unconstitutional – ay nakaangkla sa mga factual premises o findings na mali at salungat sa opisyal na rekord ng Kamara.
Giit niya, mali ang pangunahing pahayag ng Korte na walang plenaryong pag-apruba sa Articles of Impeachment bago ito ipinadala sa Senado.
“Noong Pebrero 5, 2025, si Majority Leader Mannix Dalipe ang nagmungkahi na ipasa ang Pebrero complaint sa Senado, batay sa katotohanang ito ay verified at pirmado ng hindi bababa sa 1/3 ng mga miyembro ng Kamara. Ang mosyong ito ay inaprubahan sa plenaryo, at agad ring bumuo ang Kamara ng panel of public prosecutors,” ani Abante. “Ang transmittal sa Senado ay hindi unilateral o ministerial – it was a clear result of plenary action.”
Aniya pa, malinaw itong nakasaad sa House Journal No. 36 at sa opisyal na Record of the House of Representatives.
Isa rin sa binanggit ng SC ay ang umano’y kabiguan ng Kamara na aksyunan ang tatlong naunang impeachment complaints na inihain noong Disyembre 2024.
Itinanggi ito ni Abante at iginiit na bumoto ang Kamara para i-archive ang tatlong reklamo ilang oras bago mag-adjourn ang sesyon.
“Ayon sa Konstitusyon, ito ay itinuturing nang Articles of Impeachment at obligadong ipadala sa Senado para sa paglilitis.”
Tinawag ni Abante na “factual and procedural inversion” ang naging batayan ng desisyon ng SC na nagsasabing lumabag ang Pebrero complaint sa one-year ban rule.
“Nakababahala na ang Desisyon ay hindi man lang bumanggit o tumugon sa mga dokumentong ito,” dagdag ni Abante.
Binatikos din niya ang interpretasyon ng SC sa due process, na umano’y nagtakda ng bagong rekisito na wala sa Konstitusyon o House Rules.
“Ayon sa Korte, kahit ang reklamong pirmado na at verified ng 1/3 ng mga miyembro ay kailangan pa ring basahin ng bawat pumirma at pagkatapos ay i-refer muli sa plenaryo upang pagbotohan. Dapat din daw ay nabigyan ng kopya at pagkakataon ang respondent na sagutin ang reklamo bago ito maisumite sa Senado. Ngunit wala pong ganitong rekisito sa ating Konstitusyon o sa mga Rules ng Kamara,” paliwanag niya.
Dagdag pa nito na nagbigay ang Korte ng panibagong patakaran na wala naman sa umiiral na batas. Pinawalang-bisa nila ang Articles of Impeachment base sa mga bagong pamantayan ng due process para sa respondent.
“Ang Kamara ay pinarusahan dahil sinunod namin ang Francisco at Gutierrez rulings, mga pasyang galing din sa Korte Suprema,” ani Abante.
Idinagdag pa niya na ilang ulit na inanyayahan si VP Duterte upang maipahayag ang kanyang panig sa mga pagdinig ng Komite, ngunit hindi siya dumalo.
Anya, ang desisyon ng Korte ay nagdagdag ng “very stringent requirements” na hindi lang nagpapahirap sa proseso ng impeachment, kundi sumasaklaw rin sa eksklusibong kapangyarihan ng Kamara.