Ipinabubuwag ng isang guro na si John Barry Tayam ang Independent Commission for Infrastructure sa Korte Suprema nang kanyang ihain ang isang petisyon ngayong araw.
Sa isinumiteng ‘petition for certiorari’, layon aniyang bigyan kaliwanagan mula sa Kataas-taasang Hukuman ang legalidad sa pinirmahang kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ang inisyu kasing Executive Order #94 ng pangulo ay ang siyang nagtatag sa komisyon na Independent Commission for Infrastructure upang imbestigahan ang maanomalyang mga proyekto ng pamahalaan lalo na pagdating sa flood control.
Kung kaya’t ani ng petisyoner na si John Barry Tayam na maglabas ng resolusyon ang Korte Suprema para matukoy ang legalidad ng naturang kautusan.
Naniniwala ang naturang guro na mahalagang malaman ang desisyon ng Korte Suprema sapagkat ano pa man ang ilabas nitong resolusyon ay tiyak naman aniyang may mabuting maidudulot.
Giit niya’y ‘win-win situation’ raw ito dahil sakali mang paburan ang kanyang petisyon ay tuluyang mabubuwag ang komisyon.
At kung hindi ma’y, magbubukas aniya ito ng daan para mabigyan ng mas malawak o mabigat na kapangyarihan ang naturang komisyon.
Samantala, ipinaliwanag ni John Barry Tayam ang kanyang argumento kung bakit nararapat na maideklarang ‘inconstitutional’ ang itinatag na komisyon.
Kanyang binigyang diin na bago gumawa ng panibagong komisyon sa pamamagitan ng ‘executive order’ ng pangulo ay dapat aniya’y pinaglalaanan ng kaukulang pondo o budget.
Dagdag pa rito’y pakilala niya sa kanyang sarili sa paghahain ng petisyon ay bilang isang independent at concerned citizen.
















