Papayagan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga provincial bus na dumaan sa kahabaan ng EDSA simula mamamayang alas-10 ng gabi, Oktubre 30.
Ito ay kasabay ng pagdagsa ng mga biyaherong magsisiuwian sa mga probinsiya para sa Undas nitong weekend.
Maaaring dumaan ang mga provincial bus sa EDSA hanggang alas-5 ng umaga sa araw ng Lunes, Nobiyembre 3, kasabay ng inaasahang pagbabalik sa Metro Manila ng mga nagsiuwian sa mga probinsiya.
Sa mga provincial bus mula sa North Luzon, maaaring tumigil ang mga ito sa mga terminal sa Cubao, Quezon City.
Habang ang mga bus naman mula sa South Luzon ay maaaring bumiyahe lamang hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at sa Pasay.
Ayon sa MMDA, ginawa ang naturang hakbang bilang tugon na rin sa hiling ng United Association of Provincial Bus Operators in the Philippines, Inc. at para matiyak na rin ang tuluy-tuloy na biyahe ng mga pasahero.
















