-- Advertisements --

Sinimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong bisperas ng Pasko ang unang yugto ng matagal nang planong rehabilitasyon ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mapabuti ang kaligtasan ng mga motorista, commuter, at pedestrian, lalo na ang mga senior citizen, PWD, at buntis.

Nagsimula bandang alas-11 ng gabi ang concrete reblocking sa northbound at southbound lanes, na tatagal hanggang Disyembre 27, bago sundan ng asphalt overlay works. Pinili ang holiday break upang mabawasan ang abala sa trapiko.

Pinayuhan ni Dizon ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta, at sinabing maglalabas ang DPWH ng updated schedule para sa mga susunod na araw.

Aniya, hahatiin sa dalawang yugto ang rehabilitasyon ng EDSA, na tatagal ng tig-apat na buwan bawat phase, simula sa Roxas Boulevard hanggang EDSA-Orense, at susundan ng natitirang bahagi ng pangunahing lansangan.