Nanawagan si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ang agarang pagpasa ng House Bill No. 7227 o OFW Hospital Act na layong maitatag at maisabatas ang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga “modern heroes.”
Ayon kay Romualdez, ang may akda ng panukala na ang kongkretong hakbang upang matiyak ang de-kalidad at maaasahang serbisyong pangkalusugan para sa mga OFW at kanilang pamilya.
Aniya, dapat kilalanin ang ambag ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng mas maayos na healthcare system para sa kanila.
Kasama din sa may akda ng nasabing panukala si Tingog Partylist Rep. Jude Acidre.
Layon ng panukala na magtatag ng Level III hospital sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga kung saan direkta itong nasa ilalim ng Department of Migrant Workers.
Saklaw ng panukala ang komprehensibong serbisyong medikal para sa mga OFW—bago umalis ng bansa, habang nasa kontrata, at pagbalik sa Pilipinas.
Kabilang dito ang 24/7 telehealth services, medical examinations bago at pagkatapos ng employment, at pagiging referral hospital ng mga na-repatriate na OFW.
Magbibigay rin ang ospital ng serbisyo sa mga rehistradong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kasama ang kanilang mga legal na dependent, at iba pang pasyente kung may sapat na kapasidad.
Ayon kay Acidre, layunin ng panukala na gawing pangmatagalan at sistematiko ang serbisyong pangkalusugan para sa mga OFW, at hindi lamang pansamantalang tugon sa mga isyu.
Ang paunang pondo para sa implementasyon ay magmumula sa kaukulang ahensiya ng gobyerno at isasama sa taunang General Appropriations Act kapag naisabatas.















