Binigyang-pugay ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez si Police Cadet Van Marie Editha Gundaya Cagasan mula Baybay City, Leyte, matapos itong hirangin bilang Valedictorian ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Silang-Paglaom” Class of 2026.
Si Cagasan ang nanguna sa 326 na nagsipagtapos at tumanggap ng mga prestihiyosong parangal kabilang ang Presidential Kampilan Award, Chief PNP Kampilan Award, at Best in General Education.
Ayon kay Romualdez, ang tagumpay ni Cagasan ay karangalan hindi lamang para sa Leyte kundi para sa buong Eastern Visayas. Binigyang-diin ng House Speaker na ang determinasyon ng kadete ay nag-ugat sa kanyang pangako sa namayapang ina.
“Isa itong kuwento ng talino, tibay ng loob, at pagmamahal sa pamilya,” pahayag ni Romualdez.
Kasabay nito, kinilala rin ni Romualdez ang Visayas State University (VSU) na nagsilbing lunduyan ng kaalaman ni Cagasan bago pumasok sa akademya. Si Cagasan ay dating DA scholar sa kursong BS Biotechnology sa VSU.
Sinabi ni dating Speaker Romualdez, napatunayan ng VSU na hindi lamang ito mahusay sa agrikultura at siyensya kundi epektibo rin sa paghubog ng mga pinunong may dangal at malasakit sa bayan.
“Sa tagumpay ni Van Marie Editha Gundaya Cagasan, nakita ng Leyte ang isang anak ng rehiyon na tumindig para sa pamilya, para sa paaralan at para sa bayan. Sa tagumpay na ito rin, nakita ng bansa ang patunay na ang VSU ay nananatiling pinagmumulan ng husay, dangal, at pag-asa,” dagdag pa ni Romualdez.
















