Tinawag ni Leyte Rep. Martin Romualdez na isang “DDS script” ang privilege speech ni Senador Chiz Escudero, at inakusahan itong ginagamit lang ang talumpati para sumipsip kay Vice President Sara Duterte bilang paghahanda sa eleksyon sa 2028.
“Ang narinig natin ay hindi isang exposé, kundi mga lumang paratang na matagal na nating nakikita sa troll pages at social media. Walang bago, at walang katotohanan,” ayon kay Romualdez, na dating Speaker ng Kamara.
Ayon pa kay Romualdez, layunin daw ng talumpati ni Escudero na ipakita ang kanyang katapatan at suporta kay VP Sara Duterte para maging kaalyado sa darating na halalan.
“Hindi ito tungkol sa katotohanan, kundi sa sariling interes at ambisyon sa politika,” aniya.
Tiniyak ni Romualdez na handa siyang imbestigahan at bukas siya sa anumang patas na proseso.
“Handa akong makipagtulungan sa imbestigasyon. Malinis ang record ko. Wala akong tinatago. Kung tunay na pananagutan ang hanap ni Sen. Escudero, sa presinto na siya magpaliwanag,” dagdag ni Romualdez.
Sinabi ni Romualdez sa presinto na magpaliwanag si Escudero.
Binatikos din ni Romualdez si Escudero dahil imbes daw na sagutin ang mga isyu laban sa kanya, nagpalusot at nanisi ng iba.
“Hindi niya sinagot ang mga seryosong tanong sa kanya. Hindi rin niya ipinaliwanag ang isyu tungkol sa flood-control kickbacks. Imbes na magpaliwanag, nanisi siya,” ayon kay Romualdez.
Sa huli, sinabi ni Romualdez na ang talumpati ni Escudero ay hindi tungkol sa pananagutan, kundi pagpapalakas ng sarili para sa 2028.
“Malinaw ang katotohanan: Ang talumpati ni Sen. Escudero ay para sa kanyang personal na ambisyon, hindi para sa bayan,” ayon kay Romualdez.