-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang bisa ng Professional Regulation Commission (PRC) identification cards mula sa kasalukuyang tatlong taon patungong limang taon.

Sa pamamagitan ng voice voting, ipinasá ang House Bill (HB) No. 8876 upang maibsan ang gastos at paulit-ulit na proseso ng renewal para sa milyun-milyong propesyonal na Pilipino.

Ayon kay Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa mga may-akda ng panukala, mahalagang mapagaan ang pasanin ng mga guro, nurse, engineer, architect, accountant, at iba pang propesyonal na itinuturing na haligi ng ekonomiya. Ang hakbang na ito ay bahagi rin ng pagbawas sa red tape upang gawing mas mabilis at makatao ang serbisyo ng gobyerno.

Narito ang ilang mahahalagang probisyon ng inaprubahang panukala: Palawigin sa limang (5) taon ang validity ng lahat ng Professional Identification Cards (PIC); Atasan ang PRC Information and Communication Technology Service na i-upgrade ang kanilang digital registration system sa loob ng anim na buwan mula sa pagpapatupad ng batas at Bawasan ang mahabang pilahan at i-decongest ang appointment system ng PRC sa pamamagitan ng pagbawas ng mga taunang transaksyon.

“ Sa panahon ngayo, mahalaga na mapagaan natin ang gastos at abala ng ating mga propesyonal. Sa pagpapalawig ng validity ng PRC IDs mula sa tatlo tungo sa limang taon, mas mabibigyan natin sila ng panahon para mag-focus sa kanilang trabaho, kabuhayan, at serbisyo sa bayan kaysa sa paulit-ulit na proseso ng renewal,” pahayag ni Rep. Romualdez.

Ang HB 8876 ay pagsasama-sama ng siyam na magkakahiwalay na panukalang isinulong ng iba’t ibang kongresista sa ilalim ng pamumuno nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, na umaayon din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-modernisa ang mga serbisyo ng pamahalaan.

“ This is a practical and people-centered reform that will make government services faster, more efficient, and more convenient for millions of Filipino professionals,” pahayag ni Marcos.