Nasa ₱360 milyon ang inilaang pondo mula sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), mga family food packs, at iba pang mga relief item para sa mga biktima ng baha dulot ng bagyong Crising at Habagat sa 36 na congressional district.
Ang agarang pagpapalabas ng AKAP at relief assistance ay inayos ng tanggapan ni reelected Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Speaker ng 19th Congress, at Tingog Party-list katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian.
Bawat distrito ay makatatanggap ng ₱10 milyon bilang direktang pinansyal na tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, paglikas, at iba pang kaugnay na sakuna.
Bukod sa pinansyal na tulong, nakahanda na rin ang mga relief pack para sa malawakang pamamahagi, kabilang na ang pagseserbisyo ng Tingog hot meals para sa mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa mga paaralan, covered court, at iba pang evacuation centers.
Ayon kay Rep. Romualdez, ang maagap na paglalaan ng AKAP funds at relief goods ay repleksyon ng mga aral mula sa nakaraan kung saan naging mabagal ang pagtugon sa mga kalamidad at nagdulot ito ng matinding epekto. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kahandaan at koordinasyon.
Ang 36 na congressional districts na makikinabang mula sa ₱360 milyong AKAP fund at iba pang kaugnay na tulong ay kinabibilangan ng mga distrito na kinakatawan nina:Reps. Bienvenido Abante Jr., Tobias “Toby” Tiangco, Dennis “Alden” Almario, Dean Asistio, Arjo Atayde, Jorge Daniel Bocobo, Antonino Calixto, Joel Chua, Ma. Victoria Co-Pilar, Ricardo Cruz Jr., Ernesto Dionisio Jr., Edgar Erice, Jaime Fresnedi, Gerald Galang, Kenneth Gatchalian, Alexandria Gonzales, Monique Lagdameo, Giselle Maceda, Oscar Malapitan, Eric Olivarez, at Antolin “Lenlen” Oreta III.
Kabilang din sa mga makatatanggap ang mga distrito nina Reps. Franz Pumaren, Romero “Miro” Quimbo, Roman Romulo, Mark Anthony Santos, Jesus “Bong” Suntay, Marcy Teodoro, Irwin Tieng, Ralph Wendel Tulfo, Rolando Valeriano, Patrick Michael “PM” Vargas, Brian Raymund Yamsuan, Ysabel Maria Zamora, Gil Acosta, Jose Alvarez, at Rosalie Salvame.